Matagumpay na isinagawa ng Gender and Development (GAD) Council ng Kampus ng Bayambang ang Orientation on Basic Gender and Development Concepts na dinaluhan ng mga mag-aaral mula sa unang taon na ginanap sa Aldana Gymnasium, Disyembre 7.
Nilalayon ng gawain ang pagbibigay-diin sa gender-fair language maging ang pag-unawa sa gender orientation at expression. Sinimulan ni Bb. Catherine R. Calub, miyembro ng Gender and Development Council, ang programa ang pagpapakilala ng mga kalahok na sinundan ni Bb. Lilibeth L. Mateo na naglahad ng layunin ng programa. Pormal namang tinanggap ni Dr. Maria Bernice Glizelle Catabay, Campus GAD Coordinator, ang mga kalahok sa kanyang pambukas na mensahe.
Ipinunto ni Dr. Amado C. Ramos, dekano ng College of Teacher Education (CTE), sa kanyang mensahe na marapat na imulat ang bawat PSUnian sa usapin ng gender upang lumalim ang kanilang pag-unawa sa pagkakaiba-iba ng bawat indibiduwal.
Tinalakay ni Bb. Kazel Mae B. Ramos, fakulti ng Social Science Department, ang kahalagahan ng Basic Gender and Development Concepts na sinundan ng pagtalakay ng Sex and Gender Roles ni G. Christian A. Gamo, fakulti ng Public Administration Department.
Natapos ang pang-umagang sesyon ng programa sa lektura ni Mr. Gilbert Moralista patungkol sa Republic Act 11313 o ang Safe Spaces Act at ang Committee on Decorum and Investigation. Ipinunto niya rito ang mga karapatang taglay ng bawat indibiduwal na may kinalaman sa safe spaces.
Pinangunahan naman ni Bb. May Angeline L. Velasco, Guidance Counselor ng kampus, ang pagbubukas ng panghapong sesyon ng programa. Malinaw niyang tinalakay ang mga napapanahong isyu na kinahaharap ng lipunan sa tila pagkakahon sa mga indibidwal alinmang kasarian sila nabibilang. Binigyang-diin niya rin na ang adbokasiya para sa gender and development ay isang panghabambuhay na proseso.
Winakasan ni G. Randy De Guzman ang oryentasyon sa kanyang mensahe. Aniya โsana sa pagtatapos ng programang ito ay sana ay naunawaan ninyo ang kahalagahan ng bawat gampanin natin sa lipunan. Sana hindi na tayo gender blind, upang umangat ang ating gender awareness at sa wakas ay ang pagiging gender sensitive ng ating komunidad.”